Ipinamalas ang diwa ng bayanihan matapos magkaisa ang School Disaster Risk Reduction and Management (SDRRM) Team, Brgy. 56, at Brgy. 59 sa paglilinis at pagsasaayos ng paaralan na naapektuhan ng pagbaha dulot ng walang tigil na malakas na pag-ulan.
Agad na kumilos ang SDRRM Team sa pangunguna nina Dr. Efren E. Canzana, punongguro ng paaralan, Alex V. Castillo, kawaksing punongguro, at Amy O. Villanueva, SDRRM Coordinator upang matiyak ang kalinisan, kaligtasan, at kahandaan ng paaralan matapos ang pagbaha. Katuwang nito ang mga barangay na nagpaabot ng kanilang oras, lakas, at manpower upang mapabilis ang paglilinis ng buong paaralan gamit ang fire truck ng Brgy. 59.
Pinangunahan nina Kap. Alfredo Arañas ng Brgy. 56 at Kap. Zengel La Torre ng Brgy. 59 ang pakikiisa ng kanilang grupo sa isinagawang clean-up operation. Sa pamamagitan ng pagtutulungan, mabilis na naalis ang mga putik, kumalat na basura, at iba pang naiwan ng baha.
Ayon sa SDRRM Team, mahalaga ang pagkakaisa ng paaralan at komunidad lalo na sa panahon ng kalamidad. Ang mabilis na pagtugon at bayanihan ng bawat isa ay malaking hakbang upang maibalik agad sa maayos at ligtas na kondisyon ang paaralan para sa pagbabalik ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani.
Taos-puso namang nagpapasalamat ang SDRRM Team sa Brgy. 56 at Brgy. 59 sa kanilang agarang pagtugon, serbisyo, walang sawang suporta, at malasakit. Sa gitna ng pagsubok, muling pinatunayan ng kanilang pagtutulungan na “Ang sama-samang pagkilos at malasakit sa komunidad ang susi sa mabilis na pagbangon mula sa kalamidad”.



















